Ipinauubaya na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasiya kung kakatigan ang rekomendasyong limitahan na lamang ang mga lugar sa Mindanao na muling isasailalim sa martial law.
Ayon kay AFP spokesman marine Brig. Gen. Edgard Arevalo, mismong ang Pangulo naman aniya ang nagdedeklara ng batas militar sa basbas ng kongreso kaya ito rin ang siyang may karapatan na pagpasiyahan ang pag-alis o paglimita nito.
Samantala, sinabi ni Eastern Mindanao Command (Eastmincom) Chief Lt. General Felimon Santos, pag-uusapan pa sa regional peace and order council meeting kasama ang mga local chief executives kung kinakailangan pang palawigin ang martial law sa Mindanao.
Ito ay sa gitna na rin aniya ng bumubuting sitwasyon sa ilang lugar sa rehiyon maliban na lamang sa mga lugar kung saan madalas makita ang presensiya ng mga bandito at terorista.
Magugunitang, ilang local chief executives tulad ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang humihiling na huwag nang maisama sa mga isinasailalim sa martial law sa Mindanao ang kanilang lugar. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)