Itinanggi ng Western Mindanao Command na konektado sa ISIS ang napatay nilang 8 miyembro ng Anzar Khalifa Philippines.
Ayon kay Major Felimon Tan, Spokesman ng WESMINCOM, maliban sa bandila na puwedeng maipagawa kahit saan, wala silang na-recover na kahit anong bagay na magkukumpirmang konektado ang mga ito sa ISIS.
Maging ang sinasabi aniyang pabrika ng bomba ng Anzar Khalifa ay hindi puwedeng sabihing pinatatakbo ng mga terorista dahil hindi naman sopistikadong gamit ang na-recover nila dito.
Maliban dito, hindi naman aniya terorismo ang kaso ng mga napatay kundi mga ordinaryong krimen na ginagawa ng mga bandido.
“Ito po yung mga nanghihingi sa mga villager, nag-eextort, kumukuha po ng mga kalabaw, mga baka kaya po civilian na din mismo ang nag-tip sa kanila, we’re trying to establish that kung saan ba silang grupo nakikipag-link, itong Anzar Khalifa Philippines ay para lang pong sumulpot na grupo na gustong magpakilala under ISIS kaya po siguro sila may bandera ng ISIS pero wala po kaming nakikitang koneksyon nila talaga. Malamang na sila ay symphatizers lang pero wala namang nakikitang direct link sa ISIS ang grupong ito. This is more of a bandit group,” Paliwanag ni Tan.
By Len Aguirre | Ratsada Balita