Inilagay na rin sa heightened alert ang Armed Forces of the Philippines o AFP Joint Task Force-NCR kasunod ng naging pagsabog sa Basilan.
Nauna nang nagdeklara ng heightened alert ang buong puwersa ng Philippine National Police sa Metro Manila.
Ayon kay Brigadier General Abraham Casis, commander ng Joint Task Force NCR, mas pinag-igting nila ang pangangalap ng mga impormasyon hinggil sa kung mayroong bantang terorismo sa Metro Manila.
Mayroon aniyang nakaalertong puwersa sa loob ng kanilang kampo at may mga rumoronda na ring sundalo sa Metro Manila.
Agad ring nilinaw ni Casis na sa ngayon ay wala silang namo-monitor na anumang bantang terorismo o panggugulo sa kalakhang Maynila.
ISIS sa Mindanao?
Samantala, pinawi ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang pangamba ng publiko na mayroon nang presensya ng grupong ISIS-Philippines sa Mindanao.
Kasunod ito ng naging pahayag ng nagpakilalang terrorism specialist na si Dr. Rohan Guna-rat-na, na ang ISIS-Philippines ang nasa likod ng pagsabog sa Lamitan, Basilan.
Ayon kay Western Mindanao Command Spokesperson Lieutenant Colonel Gerry Besana, propaganda lamang ito ng nasabing “local radical group” para makakuha ng atensyon at ipalabas na konektado ito sa international ISIS group.
Una rito, sinabi ni Guna-rat-na, na mga isis na nakabase sa Pilipinas at hindi Abu Sayyaf Group na gumamit pa ng North African terrorist ang nagpasabog ng mga bomba sa loob ng van sa Lamitan, Basilan na ikinasawi ng sampu (10) katao.
—-