Nakikipag-ugnayan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa aktibidad ng Palestinian Terror Group na Hamas sa Pilipinas.
Ito’y matapos ibunyag ng PNP kamakailan na may isang Fares Al Shikli alias Bashir ang nanghihikayat umano ng mga Pinoy na may koneksyon sa mga Lokal na Terrorista para magkasa ng pag-atake laban sa Jewish Community sa bansa.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino, hindi naman aniya sila tumitigil sa pagbabantay at sa katunayan aniya ay wala naman silang nakikitang anumang banta sa seguridad sa kasalukuyan.
Nakatuon aniya ang kanilang pansin sa papalapit na halalan kung saan, kailangan din nilang tuldukan ang pamamayagpag ng mga elemento ng CPP-NPA at NDF bilang bahagi aniya ng atas sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ngayon ani Centino, may binuo na silang mga tropa na ipakakalat sa Bangsamoro Autonomous Region gayundin sa SOCCSKSARGEN na kilalang Election Hotspot bilang sila ang naatasang magpatupad duon ng peace and order na may koordinasyon sa PNP at COMELEC. - ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)