Kinumpirma ng AFP o Armed Forces of the Philippines na walang Chinese Flag na nakatirik sa isang sand bar sa Kota Island na bahagi ng Kalayaan Group Of islands sa West Philippine Sea.
Sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na matapos ang ginawang beripikasyon, napag-alaman na ang natagpuan ng mga tropa sa Kota Island ay isang bamboo pole na apat na talampakan ang taas na may nakasabit na net na naglalaman ng mga plastic bottle.
Idinagdag ni Padilla na maaaring mis-informed si Congressman Gary Alejano nang kanyang iniulat na nagtirik umano ng bandila ang China sa lugar na anito’y lantarang pagsakop ng superpower sa territoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kaugnay nito, ipinabatid ni AFP Chief General Eduardo Año na posibleng mga Chinese fishermen ang naglagay ng bamboo pole para magsilbing marker sa mga nangingisda sa lugar.
Ang naturang marker ay tinanggal na ng mga Pilipinong sundalo.
By: Mheann Tanbio
SMW: RPE