Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang pagbubunyag ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na ang Malaysian terrorist na si Amin Baco na ang bagong emir ng ISIS sa Southeast Asia.
Ayon kay AFP Spokesman Major General Restituto Padilla, wala nang pinuno ngayon ang mga nalalabing puwersa ng Maute-ISIS sa Marawi City dahil kalat-kalat na ang mga ito.
Malaki rin ang kumpiyansa ng AFP ayon kay Padilla na kabilang si Baco sa siyam na teroristang napatay ng militar sa isinagawa nilang operasyon sa main battle area kamakalawa.
Bagama’t aminado si Padilla na malaking pagsubok pa rin sa kanila ngayon ang pagsugod sa nalalabing lugar na pinagkukutaan ng mga terorista, nakatitiyak silang hindi na ito maka-iimpluwensya pa sa seguridad ng lungsod.
Una rito ay sinabi mismo ni PNP Chief Dela Rosa na may bago na umanong emir ang teroristang grupong ISIS o Islamic State of Iraq and Syria sa Southeast Asia sa katauhan ni Baco.
Ito ay batay na rin sa impormasyong ibinigay sa kanila ng naarestong Indonesian terrorist na si Muhammad Ilham Syahputra.
Ayon sa PNP Chief na batay sa salaysay ni Syahputra na kasama nito si Baco nangyaring pag-atake sa Piagapo, Lanao del Sur kamakailan.
Isa si baco sa mga itinuturing na estudyante ni Zulkifli Bin Hir alyas Marwan na napatay ng mga tropa ng PNP Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015 at kabilang din sa target ng mga awtoridad sa ikinasang Oplan Exodus.
—-