Nakatakdang makipagpulong ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y upang plantsahin ang magiging rules of engagement hinggil sa mas mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay AFP Spokesman Marine B/Gen. Edgard Arevalo, nais malaman ng AFP ang mga kasalukuyang pinaiiral ng PNP hinggil sa pagtitiyak ng seguridad ng mga motorista.
Magugunitang ipinag-utos ng Pangulo kamakailan sa AFP at PNP na gawin ang mala-martial law na pagpapatupad ng ECQ dahil sa pagiging pasaway pa rin ng karamihan na pilit sumusuway dito.
Dahil dito, sinabi ni Arevalo na asahan na ng publiko ang mas mahigpit at mala-batas militar na pagpapatupad ng ECQ sakaling ilarga na ito ng Pangulo.
Una rito, tiniyak na ni PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa na hindi pa rin naman maisasantabi ang paggalang sa karapatang pantao ng publiko kahit maghigpit sila sa pagpapatupad ng ECQ.