Kinumpirma ng militar na ginagawang pagawaan ng bomba at armas ng grupong Maute ang mga Mosque sa Marawi City.
Ayon kay Lt. Col. Emmanuel Garcia ng Joint Task Force Marawi, nadiskubre nila ito nang makarekober sila ng mga gamit sa paggawa ng IED o improvised explosion device mula sa Bato Mosque at White Mosque na nabawi ng tropa noong nakaraang linggo.
Aniya, alam kasi ng mga terorista na hindi binobomba ng militar ang mga Mosque.
Sinabi naman ni Colonel Romeo Brawner, Deputy Commander ng joint Task Force Ranao, na kabilang sa mga narekober nila noon sa Bato Mosque ang 6 na sako ng barya na ginagamit na shrapnel ng mga terorista sa kanilang IED.
Samantala, sa ngayon, umaabot na sa 955 ang mga napapatay sa 134 na araw ng bakbakan sa Marawi, 753 dito mga terorista, 155 ang tropa ng gobyerno habang 47 ang mga nasawing sibilyan.