Muling umapela ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga OFW’s na nasa Middle East na umuwi na ng bansa habang hindi pa tumitindi ang tensiyon doon.
Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, hindi na dapat pang intayin ng mga Pilipinong sumiklab ang gulo sa pagitan ng Iran at Estados Unidos, bago sila umuwi sa bansa.
Aniya, dapat samantalahin na ng mga OFW’s sa gitnang Silangan ang bahagyang paghupa ng tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa upang hindi na sila maipit pa sa anumang giyerang posibleng sumiklab.
Kaugnay nito, ibinabala ni Arevalo na sa oras na sumiklab na ang giyera, mahihirapan na silang ilikas ang mga Pinoy na maiipit sa gulo.
Samantala, tiniyak naman ni Arevalo na handa ang kanilang hanay para sa puwersahang paglikas ng mga OFW sa Middle East.