Ipinag-utos ni Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana na ilagay sa half mast ang mga watawat ng Pilipinas sa lahat ng kampo ng militar sa buong bansa.
Inihayag ito ng AFP Chief sa harap na rin nang kanilang pagluluksa sa nangyaring trahedya sa pagbagsak ng C130 Military plane sa Sulu na ikinasawi ng 47 sundalo kahapon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Navy Capt. Jonathan Zata, anim na araw ilalagay sa half mast ang mga watawat sa lahat ng kampo ng militar na magsisimula ngayong araw.
Pero sa mga kampo na may mga nakaburol nang sundalo na naging biktima ng trahedya, naka-half mast na ang mga watawat hanggang sa mailibing na ang mga ito.
Una nang tiniyak ng pamunuan ng AFP na bibigyan ng nila ng maringal na libing ang kanilang mga tauhang namatay sa trahedya at sasagutin ang gastos ng mga sundalong patuloy na ginagamot sa mga pagamutan.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)