Nagdeklara na ng no civilian zones sa Patikul Sulu ang Armed Forces of the Philippines o AFP.
Ayon kay Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, layon nito na i-isolate ang Abu Sayyaf para sa mas pinaigting nilang operasyon na mapulbos ang Abu Sayyaf at mailigtas ang 23 pang hostages ng mga ito.
Sinabi ni Sobejana na bagamat nagkalat sa Sulu ang Abu Sayyaf, malaking bahagi ng grupo ang nananatili sa bayan ng Patikul kung saan nagmula ang lider nilang si Radulan Sihiron.
Layon anya ng paglikas nila sa mga residente na maputol ang suporta na tinatanggap ng mga bandido mula sa mga natatakot na sibilyan.
“Nagkaroon ng tinatawag nating no civilian zones at ito’y ginawa natin in coordination with the local government, nakikita natin na masyado nang napeperwisyo ang mga kababayan natin kung saan namamalagi itong mga Abu Sayyaf, pangalawa, nabubuhay din ang Abu Sayyaf through their presence kasi out of fear sila’y napipilitang sumuporta o magbigay ng kanilang ng mga pangangailangan, so meron tayong mga tinatawag nating internally displaced persons o IDP na nasa evacuation centers.” Ani Sobejana
Samantala, blangko pa ang Joint Task Force Sulu kung natuloy ang banta ng Abu Sayyaf na pugutan ang apat na construction workers na kabilang sa kanilang mga bihag.
Pero sa kabila ng bantang ito ng Abu Sayyaf, tiniyak ni Sobejana na tuloy-tuloy ang mas pinaigting na operasyon nila laban sa Abu Sayyaf.
Sa pinakahuling engkwentro ng militar at Abu Sayyaf sa barangay Pang. Kalingalan, Caluang Sulu, dalawa sa mga sundalo ang nasawi samantalang lima naman sa panig ng Abu Sayyaf.
“Kumakalat nga daw po sa social media na pupugutan nila, expected po yan dahil ang mga bandidong ito ay talagang gumagawa ng paraan kung saan matatakot ang pamilya o kung sino man sa gagawin nilang pamumugot, isa itong strategy para mas lalong ma-compel ang pamilya na magbayad ng ranson, kami naman dahil sa hindi natin pinapayagan na merong pera na makarating sa kanila tuluy-tuloy, relentless and sustained ang ating rescue operations.” Pahayag ni Sobejana
By Len Aguirre | Ratsada Balita Interview