Walang hanggang pasasalamat ang ipinaabot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga kapatid na muslim na walang pag-aalinlangang tumulong sa mga kasama nilang nasawi at nasugatan sa pagbagsak ng C-130 Hercules Aircraft sa Sulu.
Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana kasabay ng pagdiriwang ng taunang Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga kapatid na Muslim.
Ayon kay Sobejana, maliban sa ginawang sakripisyo ng mga nabiktima ng malagim na trahedya, maituturing din nilang pag-aalay ng sarili ang mga tumulong sa rescue and retrival operations matapos ang trahedya.
Sa kabila ng mga hamong kinahaharap ng sambayanan sa ngayon, sinabi ni Sobejana na laging gumagawa ng paraan si Allah upang magkaisa ang bawat Pilipino anuman ang kanilang paniniwala.
Dahil dito, tiniyak ng AFP Chief na kanilang susuklian ng walang patumanggang paglilingkod ang kabutihang loob ng mga kapatid na muslim sa pagtatamo ng kapayapaan at kaayusan lalo na sa rehiyon ng Mindanao. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)