Nagpakawala ng artillery fire ang AFP o Armed Forces of the Philippines kaninang pasado alas-4:00 ng madaling araw.
Sinabi ni Brigadier General Cirilito Sobejana, Jr., commander ng joint task force Sulu na ang pagpapaputok nila ng kanyon ay naka-depende sa monitoring nila sa galaw ng mga terorista.
Partikular na tinukoy ni Sobejana ang pagkilos ng mga terorista sa urban center ng Jolo na ang layon ay ilihis ang atensyon ng AFP sa patuloy na kaguluhan sa Marawi City.
Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Sobejana sa mga residente lalo na sa mga bumatikos sa kanilang hakbang dahil isinabay anila ito sa pagdarasal ng mga kapatid na Muslim.
Tiniyak ni Sobejana na hindi na mauulit ang pagsabay ng putok sa pagdarasal ng mga kapatid na Muslim at inatasan na niya ang kanyang mga tauhan hinggil dito.
Una nang kinondena ng mga residente ng Jolo, Sulu ang artillery fire ng AFP sa gitna nang isinasagawang taraweeh prayers sa mosque.
Sa post ng isang Dr. Raden Ikbala, sinabi nitong walang respeto ang mga sundalo sa mga Muslim sa nasabing hakbang.
Dahil dito, nakiusap si Ikbala sa AFP na huwag namang itaon ang pagpapaputok ng kanyon sa oras ng kanilang pagdarasal at paglalakad ng karamihan sa mga Tausug patungong mosque.