Hindi isinasantabi ng militar na may mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) na nasawi sa nangyaring bakbakan sa Dolores, Eastern Samar kahapon.
Paliwanag ni Philippine Army 8th Infantry Division Commander M/Gen. Pio Diñoso III, hindi tatagal ng maghapon ang bakbakan kung walang malaking tao na pinoprotektahan ang mga rebelde.
Alas-4 ng umaga kahapon sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng militar at NPA na tumagal hanggang ala-5 ng hapon na nagresulta sa pagkasawi ng 16 na rebelde.
Kasunod nito, sinabi ni Diñoso na nagpasaklolo na sila sa Philippine National Police crime lab para sa forensic investigation sa 16 na nasawing rebelde upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Bagama’t aminado ang opisyal na kinailangan nilang umiwas sa collateral damage dahil sa may 50 ang dami ng kanilang mga nakalaban, maituturing pa ring tagumpay sa kanilang panig ang pagkasawi ng 16 na isa sa pinakamarami sa nakalipas na taon.—sa panulat ni Rex Espiritu