Nagpatupad ng humanitarian pause ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa Marawi City ngayong araw kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Fitr o ang pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan ng mga Muslim.
Ayon kay AFP Spokesman Brig/Gen. Restituto Padilla, nagsimula ang humanitarian pause ala sais ngayong umaga at magtatapos naman mamayang alas dos ng hapon at aprubado ito ni martial law implementor AFP chief of staff Gen. Eduardo Año.
Ibig sabihin, hindi magsasagawa ng opensiba ang militar sa mga teroristang Maute ngunit may tatlong kundisyon silang inilatag; una ay kung hindi malalagay sa balag ng alanganin ang mga tropa ng militar; kung malalagay sa peligro ang seguridad ng mga sibilyan at kung magsisimula ang mga terorista ng laban dahilan para ipagtanggol ang sarili.
Paglilinaw ni Padilla, ngayong araw ng linggo ipinagdiriwang ng mga kapatid na Muslim ang Eid’l Fitr alinsunod sa rekumendasyon mula sa Office of Muslim affairs.
“So hindi po ito nangangahulugan na iiwan natin ang ating pwesto diyan sa Marawi kung saan may mga bakbakan, babantayan pa rin natin ang ating mga kalaban para hindi sila makaalis, hindi sila makagalaw, pero bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr, tatahimik muna ang ating isinasagawang putukan.” pahayag ni Padilla sa panayam sa DWIZ
By Jaymark Dagala
AFP nagpatupad ng ‘Humanitarian Pause’ sa Mindanao kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Fitr was last modified: June 25th, 2017 by DWIZ 882