Handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) National Capital Region Joint Task Force na tumugon sa anumang emergency response bunsod ng mga nararanasang pag-ulan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, inalerto na nila ang kanilang Joint Task Force sakaling may maitalang emergency tulad ng flashflood o landslide.
May naka-standby din aniya silang puwersa na maaaring ipadala sa iba’t ibang sangay ng AFP kung kinakailangan lalo na sa disaster and emergency response.
Una rito, naka-alerto na rin ang NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council hinggil sa posibleng pinsalang idulot ng pananalasa ng Habagat na pinaigting ng Bagyong Gorio na nasa dulong Hilagang Luzon.
Mga residente na nakatira sa gilid ng Marikina River pinaghahanda na sa posibleng paglikas
Inabisuhan na ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang mga residente nilang nakatira sa gilid ng ilog na maghanda sa posibleng paglikas.
Ito’y makaraang magsimulang tumaas ang lebel ng tubig sa Marikina River matapos ang walang tigil na pag-ulan kahapon dulot ng habagat na pinaigting pa ng Bagyong Gorio.
Partikular na inalerto ng pamahalaang lokal ang mga residente sa Barangay Tañong, Malanday, Tumana at San Roque na pawang matatagpuan sa gilid ng Marikina River.
Batay sa pinakahuling monitoring sa Marikina River, umakyat sa 14. 4 meters ang lebel ng tubig dito o halos malapit na sa 15 meters alert level na hudyat ng unang alarma.