Isandaang porsyento nang handa na ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pananalasa ng typhoon Ompong.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, nakaposte na ang mga sundalo sa mga lugar na tutumbukin ng bagyo lalo na sa Hilagang Luzon.
Mula pa noong umalis ang bansa si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Israel at Jordan, hindi pa rin ibinababa ng AFP ang red alert status hanggang sa kasalukuyan.
Tututukan ng militar partikular na ng NOLCOM o Northern Luzon Command ng AFP ang search and rescue operations sa mga residenteng lubhang maaapektuhan ng bagyo.
Pagtitiyak pa ni Detoyato, mayroon silang back up communication sakaling bumagsak ang linya ng telekomunikasyon sa mga lugar ng Cagayan, Ilocos Norte, Apayao at mga isla ng Batanes gayundin ng Babuyan.
Dahil naka-red alert status ang militar, hindi na muna papayagan na magbakasyon ang mga sundalo at kinakailangan ding bumalik muna sa trabaho ang mga nakabakasyong sundalo hanggang sa matapos ang pananalasa ng bagyo.
—-