Nakataas na ang alerto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabay ng nalalapit na 49th founding anniversary ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay AFP Spokesperson Brigadier General Bienvenido Datuin Jr., patuloy na magiging maagap ang militar sa mga aktibidad ng NPA na karaniwan na aniyang nagsasagawa ng pag-atake bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.
Samantala, inihayag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na posibleng permanente na ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin ang peace talks sa CPP-NPA.
Paliwanag ni Lorenzana, matagal na ring hindi umuusad at napag-uusapang muli ang pagbuhay sa peace talks.
Dagdag pa aniya rito ang parami nang paraming mga sumusuko at nagbabalik pamahalaan na mga rebelde.
Iginiit pa ni Lorenzana na hindi naman talaga kapayapaan ang habol ng CPP-NPA sa peace talks kundi ang mga benepisyo lamang na kaakibat nito tulad ng pagpapalaya sa kanilang mga consultant.
—-