Inaasahan ng militar na ilang mga miyembro ng Maute terror group ang susuko na sa mga susunod na araw.
Ito’y ayon kay Joint Task Force Ranao Deputy Commander Colonel Romeo Brawner matapos aniya nilang makatanggap ng “feelers” mula sa ilang mga miyembro ng Maute group na nagnanais nang sumuko matapos ang mahigit tatlo at kalahating buwan ng pakikipagbakbakan sa Marawi City.
Naglilibot rin aniya ang puwersa ng militar gamit ang loudspeakers para himukin ang mga terorista na ibaba ang mga armas, palitan ang mga itim na damit at magtungo sa mga nakatalagang lugar para sumuko.
Matatandaang, inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-alok si dating Marawi City Mayor Omar Solitario na mamagitan sa isang back channel talks sa nasabing teroristang grupo.
Sumuko na!
Pinasusuko na ng Joint Task Force Marawi ang mga natitira pang miyembro ng Maute terrorist group sa Marawi City.
Kasabay nito, nanawagan din si Brawner sa mga terorista na palayain na ang mga kababaihan at mga bata kung walang balak sumuko ang mga ito.
Matatandaang dalawang sundalo ang pinakahuling casualty sa panig ng militar sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi.
Sinabi ni Brawner na napaghandaan ng mga terorista ang paglusob ng militar sa defensive stronghold ng Maute.
By Ralph Obina
—-