Nanawagan ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa mga miyembro ng media na bigyang pagkakataon ang mga sundalo na nasa Marawi para bumati sa kanilang pamilya sa darating na father’s day sa Linggo, Hunyo 18.
Ayon kay AFP Spokesman Brig/Gen. Restituto Padilla, malaking bagay sa mga sundalo na maipahatid sa kani-kanilang mga pamilya na sila’y ligtas at nasa maayos na kalagayan.
Kailangan lamang aniyang magpaalam ng media sa mga commander ng mga sundalo para makabati sa kani-kanilang mga kamag-anakan.
Sa pamamagitan nito ayon kay Padilla, mapananatili ang mataas na morale ng mga sundalo sa Marawi lalo’t kumbinsido silang malapit nang matapos ang krisis duon.
By: Jaymark Dagala / Jonathan Andal