Nanindigan ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa naunang pahayag na mag-asawang indonesians ang nasa likod ng kambal na pagsabog sa katedral sa Jolo, Sulu noong nakaraang buwan.
Ito ang iginiit ng AFP sa harap na rin ng hinihinging paglilinaw ng Indonesian Embassy sa nasabing ulat.
Ayon kay AFP Public Affairs Chief Col. Noel Detoyato, maliban sa kanilang intel, personal din aniyang naranasan noon na makarekober ng mga pasaporte mula sa ibang bansa sa mga nakukubkob nilang mga kuta ng terorista.
Dagdag pa ni Detoyato na patunay lamang ito na magkaka-ugnay at may mga koneksyon ang bawa’t teroristang grupo sa bansa.
Binigyang diin naman ng opisyal na layun ng pagpapalabas nila ng impormasyon hinggil sa nationality ng hinihinalang nasa likod ng pagpapasabog sa Jolo, Sulu, ang magbigay ng babala sa publiko hinggil sa mga pumapasok na dayuhang terorista sa bansa.
Año: Bagong emir ng ISIS sa Pilipinas nagkakanlong ng mga suicide bomber
Posibleng nagkakanlong ng mga dayuhang suicide bombers sa kanyang kuta ang itinuturong bagong emir ng international terrorist group na ISIS sa Pilipinas na si Hatib Sawadjaan.
Ito ang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.
Ayon kay Año, bukod sa pagiging utak ng nangyaring kambal na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel sa Jolo, Sulu noong Enero, si Sawadjaan din aniya ang nasa likod ng suicide attack sa Basilan noong nakaraang taon.
Sinabi ni Año, layunin ni Sawadjaan ang ihayag at ipakita ang kanyang bagong papel bilang bagong pinuno ng Islamic State sa bansa.
Dagdag ni Año, may nakuha rin silang impormasyon hinggil sa presensiya ng ilang mga mukang Arabo sa kampo ni Sawadjaan sa kabundukang bahagi ng patikul sa Sulu.