Patuloy ang maigting na koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines sa Philippine National Police at Philippine Coast Guard.
Ayon kay AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo, ito ay para matiyak aniyang magiging mapayapa, tahimik, taimtim at makabuluhan ang traslacion ng Itim na Nazareno sa Lunes.
Binigyang diin ni Arevalo na may banta man o wala ay mahigpit aniya silang nakabantay para sa seguridad ng mga deboto ng Nazareno.
Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo
Kasabay nito, humingi ng kooperasyon si Arevalo sa publiko sa darating na traslacion.
Payo ng AFP sa mga makikibahagi sa traslacion na maging alerto at mapagmatyag sa lahat ng oras.
Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo
Security forces
Halos anim na libong (6,000) pulis at mga sundalo ang magbabantay sa mga deboto ng Itim na Nazareno na lalahok sa traslacion sa Lunes, January 9.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mike Sueno, mahigit 4,000 dito ay galing sa Philippine National Police samantalang ang iba pa ay mula sa iba’t ibang sangay ng militar tulad ng Coast Guard at Philippine Navy.
Hindi pa kasama dito ang 1,200 tauhan ng Metro Manila Development Authority o MMDA na nakatoka naman sa crowd control at daloy ng trapiko.
Una nang nilinaw ni Sueno na walang natatanggap na anumang bantang terorismo sa traslacion.
Gayunman, nakataas pa rin anya ang full alert ng PNP dahil hindi puwedeng isantabi ang anumang posibilidad na may mangyaring kaguluhan sa pista ng Itim na Nazareno.
Intel report
Samantala, nilinaw ni DILG Secretary Mike Sueno na may natanggap syang intelligence report hinggil sa planong paghahasik ng terorismo sa traslacion , ang taunang prusisyon ng Itim na Nazareno.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Sueno na noong nakaraang taon pa niya natanggap ang intelligence report na posibleng narito na sa Metro Manila ang Maute Group.
Sinabi ni Sueno na inakala niyang may bagong hawak na intelligence report ang media nang ipahayag nya ang hinggil sa banta ng terorismo sa traslacion.
Bahagi ng pahayag ni DILG Secretary Mike Sueno
“Patuloy po ang ating pananampalataya”
Kumbinsido ang Hijos del Nazareno na hindi makaapekto sa mananampalataya ng Itim na Nazareno ang sinasabing bantang terorismo sa translacion.
Ayon kay Brother Arnel Irasga, Pangulo ng grupo, kada taon naman ay mayroong mga ganitong klase ng babala pero hindi ito nakabawas sa dami ng mga lumalahok sa traslacion.
Gayunman, sinabi ni Irasga na mas mahigpit ang ginawa nilang paghahanda ngayong taon upang matiyak na mas magiging mabilis at maayos ang prusisyon.
Bahagi ng pahayag ni Brother Arnel Irasga ng Hijos del Nazareno
By Ralph Obina | Karambola | Len Aguirre | Balitang Todong Lakas