Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines o AFP na walang elemento ng ISIS at tanging ang Abu Sayyaf lamang ang nagkukuta ngayon sa Mindanao.
Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff Lt/Gen. Ricardo Visaya kasunod na rin ng pagbabanta ng international terrorist group sa Davao City.
Gayunman, sinabi ni Visaya na patuloy ang isinasagawang monitoring ng kanilang intelligence unit sa anumang banta sa seguridad ng bansa.
Sa panig naman ni Lt/Gen. Leonardo Guerrero, pinuno ng Eastern Mindanao Command, walang tigil silang nakikipag-ugnayan sa pulisya.
Batay sa kanilang natatanggap na impormasyon, sinabi ni Guerrero na laging kasama ang Davao City sa mga may banta ng terorismo ngunit hindi direktang nagmula ito sa ISIS.
Tight security in Davao
Doble higpit na seguridad ang ipinatutupad ngayon sa buong lungsod ng Davao.
Ito’y makaraang ibunyag ni presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte hinggil sa umano’y banta ng pag-atake ng ISIS sa kanilang lugar.
Nagdagdag na ng mga puwersa sa mga pantalan at paliparan para pangalagaan ang seguridad ng lungsod partikular na ang mga residente nito.
Naglabas na rin ng babala ang lokal na pamahalaan sa publiko na iwasan muna ang matataong lugar lalo’t kung hindi naman mahalaga ang pakay.
By Jaymark Dagala