Nilinaw ng AFP o Armed Forces of the Philippines na wala silang ibinibigay na security detail kay Radyo Pilipinas Anchor Erwin Tulfo.
Ito’y sa harap na rin ng kontrobersiyang kinaharap ni Tulfo makaraang batikusin ito dahil sa ginawa niyang pang-aalipusta kay dating army commanding general ngayo’y DSWD Sec. Rolando Bautista.
Ayon kay AFP Spokesman Marine B/Gen. Edgard Arevalo, tanging sa kapatid lamang ni Erwin na si Special Envoy to China Ramon Tulfo may ibinigay na security detail ang AFP at ito’y dalawang marines.
Paliwanag ni Arevalo, kaya aniya nagbigay ang AFP ng dalawang marines personnel sa nakatatandang Tulfo ay dahil sa kaniyang posisyon.
Dahil sa kakulangan ng mga tauhan, ini-alis na ng Philippine Marine Corps ang kanilang kasamahan na nagsisilbing security detail at inatasang bumalik sa kanilang mother unit.
Kaya naman, sinabi ni Arevalo na ang pag-alis ng security detail kay ginoong Mon Tulfo ay walang kaugnayan sa isyu ng kaniyang kapatid, bagkus ito’y bahagi ng pinagdaraanan nilang proseso.
Ipinag-utos na ni DILG o Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa PNP na tanggalan ng security detail ang magkakapatid na Tulfo.
Ito’y makaraang maharap sa kontrobersiya ang isa sa magkakapatid na si Erwin matapos murahin, laitin at pagbantaan pa si dating army commanding general ngayo’y DSWD Sec. Rolando Bautista.
Una rito, nagpalabas ng kautusan ang pamunuan ng Philippine Marine Corps na nag-a-atas sa dalawang tauhan nito na security detail ni Special Envoy to China Ramon Tulfo na bumalik sa kanilang mother unit.
Gayunman, wala pang inilalabas na anumang opisyal na pahayag hinggil dito ang pamunuan ng Philippine National Police.
Nangyari ito makaraang magsalita ang pamunuan ng PMA o Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated na kumukondena sa hindi magandang pagtrato ni Tulfo sa kanilang tinitingalang dating opisyal ng militar.