Naniniwala ang militar na ang pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa Borongan, Eastern Samar kung saan nasawi ang isang pulis at isang sibilyan ay para pilitin ang pamahalaan na ituloy ang peace talks.
Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, tila ito ang nais ipahiwatig ng rebeldeng grupo sa pamahalaan kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Sec. Silvestre Bello III na makipag-usap kay CPP Founding Chair Jose Ma. Sison hinggil sa posibilidad na pagbuhay ng usapang pangkapayapaan.
Sinabi ni Arevalo na ang pag atakeng iyon ng mga rebelde ay nagpapatunay lamang na sila ay mga oportunista sa pagsulong ng usapang pangkapayapaan at nagpapanggap lang na makatao.
Hindi aniya nagkamali ang desisyon ng militar na hindi magrekomenda sa pangulo ng tigil putukan sa NPA ngayong pasko.