Pinawi ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang pangamba ng publiko na mayruon ng presensya ng grupong ISIS-Philippines sa Mindanao.
Kasunod ito ng naging pahayag ng nagpakilalang terrorism specialist na si Dr. Rohan Gunaratna, na ang ISIS-Philippines ang nasa likod ng pagsabog sa Lamitan, Basilan.
Ayon kay Western Mindanao Command Spokesperson Lieutenant Colonel Gerry Besana, propaganda lamang ito ng nasabing “local radical group” para makakuha ng atensyon at ipalabas na konektado ito sa international ISIS group.
Una rito, sinabi ni Gunaratna, na mga ISIS na nakabase sa Pilipinas at hindi Abu Sayyaf group na gumamit pa ng North African terrorist ang nagpasabog ng mga bomba sa loob ng van sa Lamitan, Basilan na ikinasawi ng sampung katao.