Pinaghahanda na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naval at air assets ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa posibleng pagpapauwi sa mga Pinoy sa Middle East dahil sa tumitinding tensyon sa rehiyon.
Kasunod na rin ito nang ipinatawag na emergency meeting ng pangulo kahapon kasama si Defense Secretary Delfin Lorenzana at matataas na opisyal ng pulisya at militar.
Ipinabatid ni DND spokesman director Arsenio Andolong, tinalakay sa pulong kung paanong matitiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy sa Middle East lalo na ang mga nasa Iraq at Iran sa gitna na rin ng tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika.
Sinabi ni Andolong na mayruong 1,600 pinoy sa Iran at 6,000 sa Iraq.
Magugunitang uminit ang tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika nang masawi sa US drone strike sa Baghdad airport ang top general ng Iran na si General Qassem Soleimani.