Wala sa mandato ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang pag-aresto sa mga tiwaling pulis.
Gayunman, binigyang diin sa DWIZ ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año na nasa kapangyarihan ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang Commander in Chief na ipag-utos ito.
Ayon pa kay Año may proseso namang tiyak na ilalatag kaugnay sa naturang usapin at hinihintay na aniya nila ang pormal na kautusan ng Pangulong Duterte hinggil dito.
“Kami naman ay nakikipagtulungan sa ating mga pulis, meron tayong joint peace and coordination council, yan ang ating mga mechanism na ginagamit pero syempre ang ating Commander in Chief, siya ang merong overall authority sa aming lahat.” Ani Año.
Internal Cleansing
Nagpapatupad ng sariling paglilinis sa kanilang hanay ang AFP o Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay Año marami na rin silang kinasuhan sundalo na lumabag sa kanilang mga regulasyon.
Ang mahalaga aniya ay magkaroon ng malakas na mekanismo para maparusahan ang mga nagkasala at hindi na gayahin pa.
“Lahat naman ng mga organisasyon siguro mayroon talagang tinatawag na blacksheep kahit sa isang pamilya. Kasama din sa atin ang internal na pagdidisiplina ng ating mga tauhan, kahit dito sa AFP meron kaming kinakasuhan na mga sundalo na lumalabag sa regulasyon so ganun eh, kasama talaga yun sa organisasyon, pero matibay yung iyong mechanism para ma-identify, ma-determine at maparusahan para hindi pamarisan ng iba.” Dagdag ni Año.
Anti-illegal drugs campaign
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kampanya kontra illegal drugs.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Año matapos ilipat ng Pangulong Rodrigo Duterte sa militar mula sa PNP ang anti-illegal drugs campaign ng gobyerno.
Ayon kay Año , pinag-aaralan na rin nila ang mga posibleng hakbangin para sa nasabing kampanya.
“Sa ngayon ang aming mga pinag-iisipan ay kung paanong matutulungan ang ating ahensya doon sa war on drugs, nakikipagtulungan kami sa PDEA kung paano makakatulong ang AFP para tuluy-tuloy ang kampanya na syempre hindi lalabag sa karapatan ng tao.” Paliwanag ni Año.
By Judith Larino | Ratsada Balita (Interview)
Photo Credit: AFP/ gov.ph / CNNPH