Tiniyak ng AFP o Armed Forces of the Philippines na tuloy-tuloy at mas maigting na operasyon ng militar kontra terorismo at mga rebelde sa bansa.
Ayon kay AFP Spokesman Brigadier General Bienvenido Datuin, partikular na kanilang tinututukan ang silangan at kanlurang bahagi ng Mindanao kung saan mas marami ang bilang ng mga komunistang rebelde at miyembro ng mga lokal na teroristang grupo.
Aniya, batay sa kanilang tala nitong Disyembre ng taong 2017, umaabot na sa isang libo’t walong daan (1,800) ang bilang ng mga miyembro ng mga lokal na teroristang grupo at mga rebelde sa Mindanao.
Dagdag ni Datuin, bukod sa mas pinaigting na operasyon laban sa mga terorista at rebelde, puspusan din ang kanilang mga civic at community operations para madala ang serbisyo ng pamahalaan sa mga pinaliblib na mga lugar sa bansa.
Kasabay nito, hinimok ni Datuin ang publiko na makipagtulungan sa kanila para labanan ang terorismo at mga rebelde sa bansa.