Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines o AFP na kontrolado nila ang sitwasyon partikular na sa Mindanao kung saan naroon ang iba’t ibang local terrorist groups.
Ito’y kasunod ng pangambang spillover sa Mindanao ng nangyayaring gulo ngayon sa Afghanistan dahil sa posibleng pakikisimpatiya ng mga terrorista sa pamamayagpag ng grupong Taliban sa nabanggit na bansa.
Ayon kay AFP Spokesman, Col. Ramon Zagala, kapwa mahigpit na binabantayan ng Department of Foreign Affairs o DFA at ng AFP ang sitwasyon sa Afghanistan subalit wala naman silang natatanggap na anumang ulat hinggil sa pagiging agresibo naman ng mga terrorista sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Zagala na patuloy ang pagsusumikap ng Pamahalaan na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa Mindanao katuwang ang Philippine National Police o PNP, mga Lokal na Pamahalaan at ang mga komunidad.
Bagama’t aminado si Zagala na nananatili ang banta ng terrorismo sa bansa, tiniyak nito na sa pagtutulungan ng bawat isa ay makakayang labanan ito sa kabila naman ng nagpapatuloy na giyera kontra sa COVID-19. —mula sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)