Tutol ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines sa ilang probisyon sa bagong konstitusyon na binuo ng Con Com o Consultative Committee.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Carlito Galvez, hindi siya sang ayon na limitahan ang pagsasagawa ng electronic surveillance dahil pwede itong magresulta sa pagbasura ng kaso laban sa mga suspects.
Pinalagan rin ni Galvez ang pagtanggal ng Con Com sa papel ng AFP bilang protektor ng taong bayan.
Binigyang diin ni Galvez na ikinararangal ng mga sundalo ang maging protektor ng kanilang mga kababayan.
Ang draft ng bagong konstitusyon ay iprinisinta sa militar ni Retired Army Lt General Ferdinand Bocobo na miyembro ng ConCom.
Ipinaliwanag ni Bocobo na tinanggal ang katagang protector of the people sa mandato ng afp dahil ginagamit ito ng mga coup plotters.
Napagkasunduan anya sa deliberasyon ng ConCom na ang kabuuan ng pamahalaan ang tunay na protektor ng taongbayan.
Kasama rin sa draft constitution ang surveillance warrant na kahalintulad rin ng search at arrest warrant bilang proteksyon sa pang aabuso.