Umaasa ang Armed Forces of the Philippines (AF) na sinsero ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army o CPP – NPA sa kanilang ideneklarang unilateral ceasefire.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero, batay sa kanilang karanasan karaniwang nagsasagawa pa rin ng mga pag-atake ang NPA sa kabila ng umiiral na tigil putukan.
Kasabay nito, inatasan pa rin ni Guerrero ang lahat ng mga sundalo na manatiling magbantay at nakaalerto habang nagpapatupad ng tigil putukan.
Inaasahan din ni Guerrero ang pagpapaigting pa sa recruitment ng mga bagong miyembro ng komunistang rebelde.
Matatandaang sinabi ni CPP Founder Jose Maria Sison ang pagdeklara ng unilateral ceasefire bilang paggunita sa panahon ng Kapaskuhan at para sa pagdiriwang nila ng kanilang 49th Founding Anniversary sa December 26.
Dagdag pa ni Sison, inirekomenda na rin niya sa National Democratic Front o NDF ang nasabing ceasefire order.