Tinatayang nasa pitongdaang (700) mga miyembro ng Maute terrorist group ang nakatakas sa Marawi City sa kasagsagan ng bakbakan sa pagitan nila at ng mga tropa ng pamahalaan.
Ito ang pag-amin ni Joint Task Force Marawi Spokesperson Lt. Col. Jo-Ar Herrera makaraang tanungin kung bakit umabot na lamang sa walumpu (80) mula sa pitongdaang (700) Maute members ang nananatili ngayon sa lugar gayung nasa mahigit tatlongdaan (300) lamang sa mga ito ang napapatay ng militar.
Ayon kay Herrera, posible aniya kasing nakatakas ang mga ito sa pamamagitan ng pagdaan sa Lake Lanao o di kaya’y nagpanggap na mga bakwit patungo sa mga karatig lugar ng Marawi.
Sa kabila nito, tiniyak ni Herrera na sa una hanggang ikalawang linggo lamang ng bakbakan naging matagumpay ang ginawang pagtakas ng mga terorista dahil iyon aniya ang kasagsagan ng paglilikas sa mga residente.
By Jaymark Dagala
AFP umaming maraming Maute na ang nakatakas sa Marawi was last modified: July 10th, 2017 by DWIZ 882