Iginiit ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala silang natatanggap na anumang banta ng paglulunsad ng terror attack sa bansa.
Ipinabatid ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na wala silang natatanggap na report na mayroong presensya ng ISIS dito sa Pilipinas at wala rin silang makitang kongkretong ebidensya na mag-uugnay sa ISIS at Abu Sayyaf.
Kasabay nito, umapela si Padilla sa publiko na ituloy lamang ang pang-araw-araw na aktibidad.
Sa harap na rin ito ng nauna nang panawagan ng Malakanyang sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na nagsabing iwasan muna ng publiko na magpunta sa matataong lugar.
Paliwanag ni Padilla, kapag hindi lumabas ng bahay ang publiko at umiwas mamasyal sa mga lugar na gusto nilang puntahan ay umiiral na agad ang hangarin ng mga terorista na bulabugin ang pang-araw-araw nating pamumuhay.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal