Walang namomonitor ang pamunuan ng AFP Western Command na anumang movement o military activity ng mga Chinese Coastguard sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ito ay kasunod ng inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa isyu ng agawan ng territoryo sa naturang karagatan.
Ayon kay Western Command Chief rear Admiral Ronald Joseph Mercado, wala silang natatanggap na report na may panibagong aktibidad na ginawa ang China sa tinaguriang disputed islands.
Binigyang diin pa ni Mercado na wala pa naman silang natatanggap na utos mula sa National Headquarters para baguhin ang kanilang ipinatutupad na Security Operations sa paligid ng West Philippine Sea.
Kaugnay dito, mariing itinanggi ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines ang mga kumakalat na text messages kaugnay sa umano’y paghahanda ng Pilipinas sa isang giyera kasunod ng pagpabor sa bansa ng Arbitration Tribunal sa isinampang kaso nito laban sa China.
Ayon kay AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla, walang katotohanan ang balitang ito dahil nananatili pa rin naman, aniya, sa normal alert ang kanilang estado.
Umalma rin ang opisyal sa sinasabing pagdagsa ng mga sasakyang pandigma ng mga kaalyadong bansa sa Clarkfield, Pampanga para magbaba ng mga gamit pandigma.
Hinala ni Padilla, may grupong nasa likod ng mga kumakalat na text messages dahil, batay sa kanilang monitoring, tumaas ang cyber activities ng China matapos ilabas ng UN ang desisyon sa Territorial Dispute.
Patunay, aniya, rito ang ginawang pag hack sa websites ng ilang mga ahensya ng pamahalaan.
Pakiusap naman ni Padilla sa publiko, huwag maniniwala sa nasabing mga text messages at huwag na rin itong ipakalat upang hindi magpanic ang publiko.
By: Avee Devierte / Jonathan Andal