Walang natatanggap na banta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa Communist Party of the Philippines (CPP) kasunod ng pagkamatay ng founder nito na si Jose Maria ‘Joma’ Sison.
Ito ang sinabi ni Colonel Medel Aguilar, acting spokesperson ng AFP nang tanungin kung dapat bang mabahala ang publiko laban sa CPP-New People’s Army.
Ayon kay Aguilar, hindi pa nila nakikita ang banta sa ngayon.
Sa katunayan, tuloy-tuloy aniya ang pagbaba ng bilang ng kasapi at tagasuporta ng CPP-NPA na karamihan ay nagbabalik-loob sa gobyerno.
Binigyang-diin naman ni Aguilar na maaari pang magdulot ng kapayapaan sa bansa ang pagkamatay ng CPP founder kasabay ng nagpapatuloy na peace talks ng gobyerno.