Kinuwestiyon ni Sen. Panfilo Lacson ang tila otomatikong hindi pagbilang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilan niyang kaalyado sa mismong utos nito na imbestigahan ang lahat ng katiwalian sa gobyerno.
Ayon kay Lacson, habang ipinag-uutos ng Pangulo ang pagbuo ng “mega corruption task force” nilinis rin nito agad ang pangalan nina Health Sec. Francisco Duque III at DPWH Secretary Mark Villar sa mga alegasyong katiwalian sa kani-kanilang ahensya.
Nilinaw naman ni Lacson na hindi niya ibig sabihin na nakatitiyak na siyang sangkot sa katiwalian sina Villar at Duque ngunit hindi rin dapat silang maligtas sa isasagawang imbestigasyon dahil lamang sinabi ng Pangulo na hindi sila mga kurap na opisyal.