Iginiit ng grupo ng healthcare professionals sa gobyerno ang agaran at maayos na coronavirus disease 2019 (COVID-19) response ngayong nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) na lamang o mas maluwag na quarantine protocols ang NCR Plus.
Sinabi ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) na hanggang ngayon ay walang malinaw na plano ang pamahalaan upang maresolba ang ugat ng problema na dulot ng pandemya.
Tila anito naging diskarte na lamang ng gobyerno ang pagpapalawig sa mahigpit na lockdown subalit kulang na kulang sa mga kongkretong mga hakbangin para bumaba ang community transmission ng nasabing virus.
Dahil dito, isinusulong ng HPAAC ang pagbuo ng incident management team na mangangasiwa sa mga pagamutan sa gitna na rin nang pagdagsa ng mga pasyente sa mga ospital sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Ipinanukula rin ng grupo sa mga mambabatas na bumuo ng hakbang para sa data sharing sa pamamagitan ng information and communications technology infrastructure dahil na rin sa inconsistencies sa digital contact tracing na nakakaapekto sa quarantine ng mga contact.
Kailangan din anitong ipatupad ng gobyerno ang “Apat, Dapat” o air circulation, ventilation, physical distancing, paggamit ng face mask at face shield at pag limita sa oras ng interaksyon o 30 minutes pababa, sa mga ahensya ng gobyerno, public transport, private workplaces, business establishments at iba pang public spaces.