Tiniyak ng Manila Economic Cultural Office o MECO ang agarang pag-uwi sa labi ng Pinay na nasawi matapos ang malakas na lindol sa Taiwan.
Ayon kay Atty. Lito Banayo, Hepe ng MECO, tatapusin lamang nila ang mga prosesong kailangang gawin para makakuha ng death certificate at agad isasaayos ang repatriation ng labi ni Melody Albano Castro.
Gayunman, handa aniya ang MECO na alalayan ang pamilya ni Castro sakaling magpasya silang sunduin sa Taiwan ang labi ni Melody.
“Gagawa pa ng mga procedure ang Taiwan Police bago gumawa ng death certificate pagkatapos hihintayin natin, siguro sa lalong madaling panahon, depende sa gusto ng pamilya, kung gusto halimbawa ng pamilya na pumunta dito at samahan ang bangkay pauwi ay gagawan natin ng arrangements para makarating sila dito.” Ani Banayo
Ayon kay Banayo, agad nilang naipagbigay-alam sa pamilya Castro ang pagkamatay ni Melody matapos na matagpuan ang kanyang labi sa gumuhong Hualien Building.
Sinabi ni Banayo na hindi agad makapagpasya ang pamilya sa alok nilang magtungo ang mga ito sa Taiwan dahil sa tindi ng pagkagulat at kalungkutan.
Napag-alaman kay Banayo na partially paralyzed ang asawa ni Melody at may 5-taong gulang itong anak.
“Nasabihan din na kung nais nilang magpunta dito sa Taiwan, kung sinoman halimbawa sa pamilya ang nais pumunta dito, pero ngayon wala pang final na decision dahil malungkot na malungkot at nag-iiyakan ang pamilya.” Pahayag ni Banayo
(Balitang Todong Lakas Interview)