Hinimok ng isang advocacy group ang pamahalaan na kung maaari pagkatapos ng mga frontliners ay sunod namang bakunahan ang mga manggagawa sa turismo at food business.
Ayon kay Edmund Mayormita, tagapagsalita ng Grupong Turismo, Isulong Mo, siguradong maeengganyo ang mga turista lalo na ang mga Pinoy na pumunta sa mga pasyalan o tourist destinations kung alam nila na hindi sila mahahawa ng COVID-19 dahil nabakunahan na ang mga manggagawa.
Binanggit naman ni Mayormita na magpapadala sila ng liham sa Inter-Agency Task Force (IATF) para pormal na iparating dito ang kanilang panawagan.
Sinasabing ang grupong ‘Turismo, Isulong Mo’ ay kinabibilangan ng libo-libong mga manggagawa mula sa tourism industry, kabilang na ang mga tourist guides, bangkero, masahista, at iba pa.