Minamadali na ng Batangas Electric Cooperative (BATELEC) ang pagsasaayos ng kuryente sa Talisay, Batangas.
Ito’y kasunod ng pagbabalik ng mga residente matapos tanggalin na ang lockdown sa nasabing bayan.
Ayon kay Engr. Arvin Barbosa, Technical Services Manager ng BATELEC II, pinalilinisan na sa kanilang mga tauhan ang mga insulator ng transmission lines.
Kailangan aniyang maalis ang mga abo mula sa bulkan na naipon sa mga insulator bago nila ibalik ang suplay ng kuryente dahil maaari umano itong maging sanhi ng short circuit.
Kasabay nito, tiniyak ni Barbosa na agad nilang ibabalik ang kuryente sa bayan.
Unti unti nang nagsibalikan sa kani-kanilang mga tahanan ang mga residente ng Tanuan at Laurel, Batangas.
Ito ay matapos ibaba ng Phivolcs ang alerto sa bulkang Taal sa Alert Level 3.
Agad naglinis ng kanilang mga bahay ang mga residente at binigyan din ng atensyon ang kanilang mga alagang hayop.
Sa kabila nito ay pinayuhan pa rin ng mga otoridad ang mga residente na maging alerto sa kabila ng pagbaba ng alert level.
Piniling manatili sa evacuation center ang mga residente ng Sta. Terisita, Batangas.
Ito’y kahit pa pinayagan na silang makabalik sa kani-kanilang tahanan matapos ibababa ang alert level ng bulkang Taal.
Ayon kay Mayor Norberto Segunial Jr., marami ang mga residente na nasa evacuation center ang wala nang babalikang bahay matapos masira ang mga ito ng ashfall.
Kasabay nito, nanawagan ng tulong ang alkalde sa Department of Health dahil marami na sa mga evacuee ang nagkakasakit.
Contributor: Gene Margarette Cruz.