Kinakailangang agarang mag-isyu ang labor department ng guidelines at labor standards para ma-protektahan at ma-i-promote ang kapakanan ng mga delivery riders.
Ito ayon kay Senadora Risa Hontiveros, dahil sa pinagaan ng mga delivery riders ang marami nating pangangailangan at transaksyon sa ilalim ng pag-iral ng community quarantine.
Pero ang kapalit anya ng paghahatid ng ating mga order sa takdang lugar at oras, ay ang pagharap sa napakaraming panganib ng mga ito.
Kaya ayon kay Hontiveros, mahalaga na maglabas ang ahensya ng guidelines na magbibigay sa mga delivery rider ng kaukulang social protection coverage.
Dapat anyang ang guidelines ay tumutugon sa unethical terms of employment, kung saan dapat na ikunsideraang mga delivery riders bilang mga empleyado.
Kailangan anyang maka-avail ang mga rider ng mga benepisyo sa ilalim ng batas tulad ng membership sa SSS at Philhealth.
Giit ni Hontiveros pananagutan ng employer ang kahinatnan ng kanyang empleyado habang nasa kasagsagan ng trabaho.
Hindi makatarungan na walang malinaw kung sino ang may pananagutan sa mga delivery rider sakaling madisgrasya sila o magkasakit habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Dapat din anyang bigyan ang mga rider ng libreng ppe at regular na pagpapatest para maiwasang mahawa ng COVID-19. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)