NANAWAGAN si dating Sen. Bongbong Marcos ng pagkakaisa, pagmamahalan, katatagan at agarang pagbangon para sa mga nasalanta ng bagyong Odette ngayong holiday season.
Kasabay nito, inihayag ni BBM na walang tigil ang ginagawa nilang relief operations upang maiparamdam sa mga kababayan nating biktima ng bagyo na buhay ang diwa ng bayanihan ngayong araw ng Kapaskuhan.
“My supporters will continue scouring the remote areas in the provinces that were badly hit by the typhoon to bring the necessary assistance. We will not stop helping them until such time that they will be back on their feet,” ani Marcos.
Ayon sa dating gobernador ng Ilocos Norte, bibisitahin nila ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang iba pang probinsiyang apektado ng kalamidad. “Hindi pa maaring pumunta at malalayo (ang mga apektadong lugar).
Kailan lang lumabas ang balita sa Palawan, medyo mabigat ang tama kaya’t nagpadala na kami ng barko na may dalang mga relief goods para sa mga biktima ni Odette at sasalubungin namin dahil hindi pa ‘ata pwede lumipad ngayon,” ayon kay Marcos.
Maliban sa pagkain, supply ng kuryente at iba pang pangunahing pangangailangan, sinabi ni BBM na isa rin sa malaking problema ngayon ay ang supply ng malinis o inuming tubig. “Kaya nagpadala kami ng almost 30 tons na tubig sa iba’t ibang lugar pero ang isusunod namin ay ‘yung filtration kits.
Inaalala natin ‘yung cholera, ‘yung bacteria dahil sa maruming tubig,” sabi ng dating senador. Samantala, upang makabalik agad sa normal, sinabi rin ni Marcos na dapat ay maisaayos agad ang mga nasirang tahanan ng mga biktima ng nagdaang bagyo.
Kumpiyansa rin naman si BBM na sa gitna ng dinaranas na pagsubok ng lahat ay mabilis din itong malalampasan ng mga Pilipino.