Nagmartsa patungo ng Senado ang Sin Tax Coalition upang igiit ang agarang pagpasa sa panukalang mas mataas na excise tax sa sigarilyo.
Ayon kay PhilHealth Director, Dr. Tony Leachon, miyembro ng koalisyon, mahalagang maipasa ang mas mataas na buwis sa sigarilyo upang mapondohan ang pagpapatupad ng Universal Health Care Law.
Sinabi ni Leachon na sa ngayon ay nangangailangan pa ng animnapu’t limang (65) bilyong piso ang Universal Health Care Law para ito maipatupad.
“Kapag na-delay ang sin taxes, made-delay din ang Universal Health Care na banner program ng Pangulo kasi ‘yung additional PhilHealth benefit para sa lahat ng Pilipino particularly ‘yung bagong PhilHealth primary care, ‘yung outpatient, kasi ang PhilHealth natin kapag na-ko-confine ka lang eh, ‘yung libreng kunsulta sa doktor ng outpatient, libreng medisina, libreng blood test, hindi made-deliver ‘yun.” Ani Leachon
Tatlong panukalang batas hinggil sa mas mataas na sin tax ang dininig ngayon sa Senado.
Kabilang dito ang excise tax na tatlumpu’t limang piso (P35) sa kada kaha ng sigarilyo na inakda ni Senador Manny Pacquiao, ang 90 pesos per pack ni Senator JV Ejercito at 60 pesos ni Senador Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Leachon, umaasa silang maihahabol pa ang pagpasa nito sa Senado bago ang campaign period para sa eleksyon upang maisalang agad sa bicameral conference committee.
Ang problema lamang aniya ay kung matagalan ito sa bicam dahil dalawang piso at singkwenta sentimos (P2.50) lamang kada pakete ng sigarilyo ang bersyon ng Kamara.
“Sana mapababa natin kahit 30% ‘yung gagastusin natin kapag na-ospital at siguro sa next 5 years maging zero percent, therefore kapag hindi napirmahan sa Congress na ito, ‘yung Universal Health Care at sin taxes ay hindi mapipirmahan sa administrasyong ito at maghihintay ka ulit, sa Pebrero kailangan maaprubahan itong higher tobacco tax sa second and third reading, committee report, at sa plenary, ang bicam naman puwedeng gawin kahit nangangampanya sila, dapat mapirmahan ‘yan ng Presidente bago siya mag-SONA.” Pahayag ni Leachon
(Ratsada Balita Interview)