Tukoy na ng awtoridad kung sino at anong ahensya ang nag-recruit kay Joanna Demafelis para magtrabaho sa Kuwait.
Ayon kay Administrator Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, tinutugis na ito ng awtoridad kaya’t hindi nila puwedeng isapubliko ang pangalan.
Samantala, binubusisi na rin aniya nila ang mga papeles ni Demafelis upang alamin kung ang mga dinakip na mag-asawang Lebanese at Syrian national ang orihinal niyang mga amo batay sa nilagdaan niyang kontrata.
Sa ngayon, sinabi ni Cacdac na inaayos na ang lahat upang maibalik sa Kuwait ang mag-asawang suspek sa pagpatay kay Demafelis.
“Meron din ganitong klaseng pagsusuri kasi mukhang meron pang ibang pangalan bukod doon sa Lebanese na lumulutang doon sa mga dokumento noong pinoproseso sa POEA, pero isa pa ito sa mga sinusuri, I will leave it to the POEA.” Ani Cadac
Deployment ban
Nasa kamay ng Pangulong Rodrigo Duterte kung babawiin ang deployment ban ng Overseas Filipino Workers o OFWs sa Kuwait.
Ayon kay Cacdac, hindi sarado ang pamahalaan sa pagbawi ng deployment ban subalit ipinauubaya na nila ito sa Pangulo.
Sa ngayon aniya ay nasa Kuwait na ang mga kinatawan ng OWWA, Philippine Overseas Employment Agency o POEA at Department of Labor and Employment o DOLE para sa bilateral talks sa mga opisyal ng Kuwait hinggil sa kalagayan ng mga OFW doon.
Kabilang sa kanilang itutulak ang pagpirma ng Kuwait sa memorandum of understanding kung saan nakalatag ang mga proteksyon para sa mga OFW.
“Isang grupo kasama ang dalawang deputy administrator natin ang tumulak para tingnan ang sitwasyon ng ating mga OFW sa Kuwait, Saudi at sa Qatar, at may hiwalay pang delegasyon na pumunta.” Pahayag ni Cacdac
(Balitang Todong Lakas Interview)