Hinangaan ng dating senador na si Panfilo Lacson ang agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iahon ang mga mahihirap na Pilipino mula sa kahirapan, imbes na hayaan silang umasa sa ayuda.
Ito ay matapos linawin ni Pangulong Marcos na inihahanda lang ng assistance programs ng pamahalaan na makabangon sa kanilang buhay ang mga nangangailangan.
Sabi ni Pangulong Marcos, bukod sa pagiging welfare armor ng social programs ng pamahalaan, nagbibigay ang mga ito ng paraan upang makaalis ang mga Pilipino sa kahirapan.
Sinang-ayunan ito ni Lacson na sinabing matagal na dapat itong naging polisiya sa pagbibigay ng ayuda. Ayon sa dating senador, ang mga inisyatibong ito ay dapat ituring lang na sustainable livelihood o job opportunities. Kaya naman aniya, ang layunin dapat sa pamimigay ng ayuda ay ang hikayatin ang mga tao na bumalik sa trabaho at hindi umasa sa bigay.
Isa sa mga inisyatibo ng pamahalaan na makatutulong sa pagpapaunlad ng mga mahihirap na pamilya ang free college program at iba pang scholarship projects para sa mga mag-aaral. Ayon kay Pangulong Marcos, inihahanda nito ang mga kabataan sa kanilang kinabukasan.
Bukod sa pagpapababa sa kaso ng involuntary hunger, layon ng Food Stamp Program na priority project ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hikayatin ang mga Pilipino na maghanap ng trabaho. Matatandaang upang manatili sa Food Stamp Program, kinakailangang mag-enroll ang mga benepisyaryo nito sa job-generating programs ng DOLE at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at magbigay ng certificate bilang patunay na naghahanap sila ng trabaho.
Nangako rin si Pangulong Marcos na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang suporta sa mga magsasaka, gaya na lang ng pamimigay ng mga libreng binhi at pataba.
Ayon sa Pangulo, magsisilbing equity ang livelihood grants at product incubation assistance ng pamahalaan upang matulungan ang skilled at talented Filipinos na matupad ang kanilang mga pangarap.
Hindi permanente ang assistance programs ng pamahalaan dahil hinihikayat nito ang mga benepisyaryo na maghanap ng trabaho. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng sariling kakayahan na iangat ang buhay ng kanilang pamilya. Ayon nga sa kasabihan, “Helping someone in need is temporary support; teaching them to help themselves is a lasting investment.”