Pinag-iinhibit ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar sa isinasagawang pag-aaral ng DOJ sa pinasok na kasunduan ng pamahalaan sa Manila Water at Maynilad.
Ito’y ay upang maalis aniya ang mga agam-agam na posibleng maimpluwensiyahan ni Aglipay-Villar ang resulta ng pag-aaral ng ahensiya at maging paborable sa prime water infrastructure corporation na pagmamay-ari ng pamilya ng kanyang asawa.
Ayon kay Guevarra, kakausapin niya si Aglipay- Villar para mawala na rin sa isipan ng mga kritiko na may nakiki-alam sa isinasagawang pagre-review ng DOJ sa kontrata ng dalawang water concessionaires.
Binigyang diin ni Guevarra, walang dapat ipag-alala ang publiko dahil siya na rin mismo ang direktang mangangasiwa sa gagawing pag-aaral ng mga tauhan ng office of the government corporate counsel sa kontrata.
Iginiit pa ni Guevarra na lalabas pa ring onerous ang probisyon ng kontrata kahit sinumang abogado ang humawak sa pag-review nito.