Kumpiyansa si Senator Cynthia Villar, na mas madaling maaabot ng tulong ang sektor ng agrikultura at mas epektibong maisusulong ang kaunlaran ng bansa sa pamamagitan ng bagong Agri-Agra Law.
Ito ay matapos magkaroon ng lapse into law ang Republic Act 11901 o ang bagong Agri-Agra Law na makapagbibigay ng 25% total loanable funds sa agricultural at fisheries-related sectors na limang taon ng nag-ooperate mula sa mga bangko.
Inaasahan din na maghahandog ang mga bangko ng bagong financial products and services, na angkop sa pangangailangan ng mga agricultural client para sa cash flows and production cycles.
Ayon kay Villar, maari ding mamuhunan ang mga bangko sa securities kung saan gagamitin ang kita para pondohan ang mga ganitong mga aktibidad.
Upang maabot ang malalayong barangay at munisipalidad sa bansa, parehong gagamitin ng Land Bank at Development Bank of the Philippines ang kanilang resources para mamuhunan, isulong ang Digital banking technology, Automation, Branchless banking, Cash agent operations, E-commerce at Mobile phone applications sa rural public.
Bukod pa dito, isinusulong din ang savings at credit para sa Coops, Micro Financial Institutions, Retail banks maging ang rural at thrift banks na may maliit na interes sa wholesale loans sa rural areas.