Upang mapalakas ang produksyon at kakayahan ng mga kawani sa agriculture sector, tinalakay ng Department of Agriculture (DA) ang 3-year plan ng ahensya sa isang sectoral meeting na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Agriculture Secretary Franciso Tiu Laurel Jr., goal ng ahensya na i-modernize ang agrikultura sa bansa kung saan makakakuha ang mga magsasaka at mangingisda ng “fair value” o tamang halaga para sa kanilang mga naani at nahuli. Nais din nilang maging abot-kaya ang presyo ng mga pagkain para sa consumers habang may sapat na kinikita ang traders at retailers.
Upang makamit ang layuning ito, plano ng DA na mag-invest sa post-harvest facilities at magkaroon ng big digitalization move.
Magpapatayo ang ahensya ng cold storage facilities na may 5,000 pallet positions para sa high-value crops gaya ng mga gulay upang maiwasan ang oversupply ng agricultural products. Ayon kay Sec. Laurel, ang overproduction ay resulta ng poor planning at coordination sa merkado.
Para naman magkaroon ng mas accurate na production data sa pangangasiwa ng food supply sa bansa, isusulong ng ahensya ang digitalization sa sektor ng agrikultura.
Kabilang din sa plano ng DA ang pagpapalawak at pagsasaayos ng agri-fishery areas sa pamamagitan ng pagtatatag ng bagong irrigation facilities, zoning, at identification ng key areas, gayundin ang pagpapabuti sa imprastraktura ng bansa.
Samantala, isinusulong ng agriculture chief ang panukalang pag-amyenda sa Philippine Fisheries Code at ang executive order para sa pagtatag ng Strategic Agriculture and Fisheries Development Zones.
Matatandaang nagbigay noon si Pangulong Marcos kay Sec. Laurel ng marching order na maging pro-production at hindi pro-importation. Sa patuloy na pagsisikap na mapalakas ang food production, inaasahan ang pagkakaroon sa bansa ng food security at sapat at abot-kayang pagkain para sa pamilyang Pilipino.