Posibleng may go signal mula sa matataas na opisyal ang smuggling ng mga produktong agrikultural sa bansa.
Ayon kay Rosendo So, Chairman ng SINAG o Samahang Industriya ng Agrikultura, Kumbinsido sila na hindi lamang sa Bureau of Customs at Department of Agriculture (DA) nagkakaroon ng sabwatan kundi umaabot ito sa taas.
Kasabay nito ay nagpahayag ng pagtataka si So kung bakit hanggang ngayon ay hindi nilalagdaan ng Pangulong Benigno Aquino III ang panukala na ituring na economic sabotage ang smuggling.
“Sa tingin natin hindi lang ang Bureau of Customs, ang DA ang kasabwat diyan, nakikita natin may go signal mula sa taas, last month doon natin naramdaman grabe, talamak, umpisa noong September, nag-double yung smuggled na pumapasok sa ating bansa.” Ani So
Ayon kay So, nasa kamay na ng Pangulo kung mapipigilan niya ang limang araw na pork holiday itinakda nila sa buwan ng Abril.
Nagpalabas na anya sila ng open letter sa pangulo hinggil sa problema ng mga lokal na magbababoy.
Ang tanging hiling anya nila sa Pangulo ay maipakita ang sinseridad na masugpo ang smuggling.
“Diba last time sugar naman, tapos before that garlic tsaka sibuyas, so parang nakikita natin eh umiikot na lang ang mga agri products, and nagtataka tayo yung pinasa ng Kongreso at Senado to declare agricultural smuggling as economic sabotage, bakit hindi pa ito pinipirmahan ng ating Pangulo?” Dagdag ni So.
Pork holiday
Nagsimula nang mag-countdown ang alyansa ng mga hog raiser at meat producer para sa ilulunsad na 5-day pork holiday sa Abril.
Ito’y upang kalampagin ang Malacañang sa gitna ng talamak na smuggling ng mga karne ng baboy sa bansa.
Ayon kay So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura, inutil ang gobyerno lalo na ang Bureau of Customs sa pagpuksa sa smuggling syndicate na kumikitil sa hanapbuhay ng may 80,000 backyard hog raisers sa bansa.
Ipinaliwanag ni So na wala ng bibili ng mais at rice bran ng mga magsasaka kapag tuluyang namatay ang industriya ng backyard hog raising.
“Talagang grabe, rampant ang problema natin kaya yung mga produkto na pupunta sa palengke, magugulat ka na imagine dumarating sa market ng morning and talagang yung mga backyard raiser hindi na mabenta ang mga produkto nila.” Pahayag ni So.
By Len Aguirre | Mariboy Ysibido | Balitang Todong Lakas